Macalintal kay ‘idol President Duterte’: ‘Wag kang magtaka, si Leni ang vice president

MANILA, Philippines – Sinagot ng batikang election lawyer Romulo Macalintal ang katanungan ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa gumugulong na recount sa pagkabise presidente at kung tunay nga bang bise presidente si Leni Robredo.

Sinabi ni Macalintal na abogado ni Robredo na ang kaniyang kliyente ang tunay na nanalo.

“Opo, Mr. idol president si VP Leni ang vice president,” sabi ni Macalintal kahapon.

“Huwag po kayong magtaka dahil si Leni ay nahalal sa parehong mga balota at mga vote counting machines na ginamit din sa pagkakahala ninyo bilang pangulo,” dagdag niya.

Pinabulaanan din ni Macalintal ang mga ulat na nabawasan ang mga boto ni Robredo mula nang magsimula ang recount na nag-ugat sa protesta ng talunang kandidatong si Bongbong Marcos.

Ayon sa mga ulat ay nabawasan ang mga boto ni Robredo dahil sa ipinatupad ng Presidential Electoral Tribunal na 50 percent threshold sa pag-shade ng mga balota, habang ang ginamit noong mismong halalan ay 25 percent lamang.

“Hindi po totoo na libu-libong boto na ang natanggal kay VP Leni sa election protest ni Marcos. Tinitiyak ko po sainyo na ni isang boto ay walang nabawas kay VP Leni sa ginagawang recount,” patuloy niya.

Kasalukuyang inaapela ng kampo ni Robredo na gamitin ang 25 percent threshold alinsunod sa ginamit noon ng Commission on Elections.

Sa harap ng mga opisyal ng gobyerno ay kinamusta ni Duterte ang nangyayaring bilangan.

“Ano ba ang latest count nitong kay Bongbong (Marcos) at ni ano (Robredo)… vice president ba talaga ‘yan?” tanong ni Duterte.

Show comments