MANILA, Philippines — Pinahigpit ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin upang tiyakin na hindi lumalagpas sa SRP (suggested retail price) kaugnay ng takot ng publiko dahil sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at kuryente dulot ng Tax Reform Law.
Sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na wala pa naman silang namo-monitor na lumalabag sa SRP sa mga pamilihan na kanilang iniinspeksyon. Nasa 400 supermarket umano ang kanilang binibisita kada linggo.
Sa kabila nito, patuloy pa ring pinapaalalahanan ng DTI ang mga negosyante na huwag lumagpas sa SRP ang mga pangunahing produktong ibinibenta upang hindi lalong mahirapan ang mga konsyumer.
Pinayuhan din ni Lopez ang mga mamimili na sa mga supermarket mamili ng kanilang mga pangangailangan dahil bantay nila ang mga ito at takot na lumagpas sa SRP dahil maaaring mapatawan ng parusa ng ahensya.
Ang pangamba sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin ay dulot pa rin ng pagsirit ng ‘inflation’ sa bansa na bahagyang dulot din ng implementasyon ng TRAIN Law, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 4.5 porsyento ang inflation ngayong Abril. Mas mataas ito sa naitalang 4.3% nitong Marso at 3.2% noong Abril 2017.
Una na rin namang inihayag ng Department of Energy (DOE) ang pagrekomenda nila sa pagsuspinde sa implementasyon ng ‘excise tax’ sa mga produktong petrolyo kapag pumalo na sa US$80 ang kada bariles ng langis sa internasyunal na merkado.
Sinabi ni Energy Undersecretary Donato Marcos na maglalabas din sila ng polisiya para idetalye ng mga kumpanya ng langis ang ginagawa nilang pagbabago sa presyo ng kanilang petrolyo upang malaman ng publiko kung makatarungan ang mga ginagawa nilang pagtataas.
Nagbabala ang opisyal na ang mga gas stations na mapapatunayang iligal na nagtataas ng presyo ng petrolyo ay maaaring ipasara ng ahensya.