MANILA, Philippines — Isinara na ang Boracay Island upang bigyang daan ang anim na buwang paglilinis at rehabilitasyon sa lugar.
Nabatid na nasa 630 pulis ang naka-deploy ngayon sa isla kasama ang 200 sundalo at iba pang law enforcers para sa pagbibigay seguridad sa Caticlan jetty port at buong isla.
Naka-standby na rin ang puwersa ng Philippine Coast Guard, PNP-Maritime Group at Philippine Navy upang tumulong sa mga emergency situation at pagpapatrulya sa karagatang sakop ng isla.
Ayon kay Chief Supt Cesar Hawthorne Binag, director ng Western Visayas Police, mahigpit na ipatutupad ang “one entry, one exit, no ID, no entry” para sa mga residente at manggagawa habang ang mga turista ay hindi papayagang makapasok sa isla simula ngayon.
Samantala, isinailalim na rin sa code white alert ng Provincial Health Office ang lahat ng mga private at public hospitals at iba pang government health facilities sa Aklan kasama ang kaisa-isang ospital sa Boracay simula noong Abril 23 hanggang Mayo 15, 2018.
Bahagi ito ng contingency plan upang agad na makaresponde sa mga emergency sa panahon ng Boracay closure gayundin sa nalalapit na eleksyon sa Mayo 14.
Nagsagawa rin ng review at simulation ng security plan sa pangunguna ng mga pulis, sundalo at Philippine Coast Guard at iba pang law enforcers bilang paghahanda sa anumang maaaring mangyari sa loob ng halos anim na buwang closure order.
Ilan sa mga pinaghandaang banta na maaaring mangyari ay ang kilos-protesta, paglubog ng bangka, pag-atake ng mga terorista at ang iligal na pagpasok ng mga turista.
Naka-standby na rin ngayon ang barko ng Coast Guard sakay ang halos 40 personnel.
Kahapon ay pila-pila rin ang mga workers na kumukuha ng terminal pass na bahagi ng requirements sa muling pagpasok sa isla habang ipinapatupad ang closure order.
Ilang araw naman bago ang pagsasara ng Boracay Island ay sinulit na ng libong mga turista na karamihan ay mga dayuhan ang kanilang bakasyon sa isla habang bagsak presyo rin ang mga ibinebentang ‘islands souvenirs’ dito.
Nakatakda namang bumisita sa Boracay si PNP chief Gen. Oscar Albayalde para personal na alamin ang sitwasyon sa lugar at mag-inspeksiyon sa ipinatutupad na seguridad ng mga pulis sa isla.
Related video: