MANILA, Philippines — Aminado si Senate Minority Leader Franklin Drilon na mahihirapan ang Liberal Party na makabuo ng 12-man slate sa darating na senatorial elections.
Ipinahiwatig ni Drilon na hindi pa kumpleto ang kanilang 12 kandidato sa kabila naman ng naging pahayag noong nakaraang linggo ni Senate President Koko Pimentel na lampas na sa 20 ang listahan ng mga pinagpipilian ng PDP-Laban.
“Me, personally, I am realistic that it is not easy to complete a 12-man slate at at this point. Let’s leave it at that and let’s see what happens in the next several months…I’m just saying that it is not easy to put up a 12-man slate,” pahayag ni Drilon.
Inamin rin ni Drilon na mahirap maging oposisyon lalo’t pa mid-term election ang susunod na halalan.
Isa pa rin aniya sa balakid na kailangang harapin ng mga kandidato ng oposisyon ang mataas na rating ni Pangulong Duterte na nasa 70 porsiyento.
Tumanggi naman si Drilon na ihayag kung ano ang plano ng LP para sa darating na halalan.
Samantala, inamin ni Drilon na kinukumbinsi ng LP si dating senator Mar Roxas na muling kumandidato sa darating na mid-term elections.
Sinabihan na nila si Roxas na ikonsidera ang muling pagtakbo sa Senado bagaman at ang pagkandidato ay isang personal na desisyon.
Sa ngayon umano ay wala pang desisyon si Roxas na enjoy sa kanyang pribadong buhay.
Tiniyak naman ni Drilon na kuwalipikado si Roxas na kumandidatong senador.
Kumandidato na ring presidente si Roxas noong nakaraang presidential election pero kabilang ito sa natalo ni Pangulong Duterte.