Bigyan ni’yo kami ng patas na laban – Leni
MANILA, Philippines – Umapela si Bise Presidente Leni Robredo ngayong Huwebes sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na payagan ang hirit nilang panatilihin sa 25 percent ang threshold para sa recount ng 2016 elections.
Nagtungo si Robredo sa Korte Suprema kasama ang kaniyang mga abogado na sina Romulo Macalintal at Bernadette Sardillo.
“The reason why we’re here this morning is to respectfully file our motion for reconsideration. Hinihingi po natin sa korte na i-reconsider iyong kaniyang naging desisyon at ang hinihingi lang naman po natin, bigyan tayo ng patas na laban,” sabi ni Robredo sa kaniyang mga taga-suporta.
“Ang hinihingi po natin, na kung ano iyong batayan noong pagbilang ng mga boto noong eleksyon at kung ano iyong batayan ng pagboto ng lahat ng kandidato, iyon din sana iyong batayan na gamitin sa atin,” dagdag niya.
Nais ni Robredo na ipatupad ang 25 percent threshold at hindi ang 50 percent upang matukoy ang bisa ng mga boto.
Ibiinasura ng PET noong Abril 10 ang naunang hirit ng kampo ni Robredo.
“The Court is not aware of any [Commission on Elections] Resolution that states the applicability of a 25% threshold; and the Tribunal cannot treat the Random Manual Audit Guidelines and Report as proof of the threshold used by the COMELEC,” nakasaad sa resolusyon ng tribunal.
Ayon sa ulat ng STAR, nasa 5,000 boto na ang nawala kay Robredo dahil sa threshold rule.
“Ang dahilan po ng manual counting ng votes ay para malaman iyong katotohanan. At tayo po, mula sa umpisa, binibigay po natin iyong atingtiwala sa proseso sa PET. At iyon pong tiwalang iyon, iyon po iyong pinanghahawakan natin, na ito iyong magbibigay sa atin ng katotohanan,” patuloy ni Robredo.
Tumanggi nang talakayin pa ni Robredo ang tungkol sa kanilang apela dahil ipinagbabawal ito ng korte.
Nagsimula ang recount nitong Abril 2 na nag-ugat sa protesta ng natalong si dating Sen. Bongbong Marcos.
Binibilang ngayon ang mga boto sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental kung saan ito ang magiging batayan kung ipagpapatuloy ang recount sa buong bansa.
“Ang hiniling natin na mabilang nang tama iyong inyong mga boto at ito po iyong ipinaglalaban natin ngayon.”
- Latest