MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na tulungan ang Commission on Elections na mapanatiling maayos at payapa ang isasagawang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa May 14.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Memorandum Order 21 para sa deputization ng AFP at PNP sa Comelec resolution 10207 para masiguro na magiging maayos, malaya, payapa at credible ang isasagawang barangay elections.
“Ang mga law enforcement agencies at iba pang kinauukulang ahensiya ay inaatasang makipagtulungan sa Comelec sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin,” nakasaad sa memorandum ng Punong Ehekutibo.
Isasagawa ang barangay at SK elections sa darating na Mayo 14 na orihinal na nakatakda noong October 2016 subalit ipinagpaliban ng Kongreso noong October 2017 hanggang sa iusad sa Mayo 14.
Tinangkang muling ipagpaliban ng Kamara ang nasabing barangay elections subalit sinalungat naman ito ng Senado.
Maging si Pangulong Duterte ay hindi na rin inendorso ang muling pagpapaliban ng barangay at SK elections.