MANILA, Philippines — Ipinababasura ng Philippine National Police (PNP) at Office of the Special State Prosecutor ng Ombudsman ang mosyon ni dating S/Supt. Wally Sombero at dating Immigration officers na sina Al Argosino at Michael Robles na humihiling na mailipat ng detention facility mula Camp Bagong Diwa patungong Camp Crame.
Sa isinumiteng komento ng dalawang tanggapan sa 6th Division, iginiit ng mga ito na walang sapat na basehang magpapatunay na may banta sa buhay ng mga akusado na siyang pangunahing nakasaad sa mga mosyon.
Ayon sa PNP, hindi regular detention facility ang Custodial Center ng mga akusadong may nililitis pang kaso sa korte, dahil ang Bureau of Jail Management and Penology ang talagang may otoridad sa detention ng mga ito.
Bukod dito, wala rin umanong maipakitang pruweba ang tatlo na may aktuwal na banta sa kanilang buhay.
Iginiit nina Atty. Argosino at Atty. Robles sa mosyon, na posibleng gantihan umano sila ng nasa 400 mga preso na may kasong kaugnay sa anti-drug war, bilang kilalang malapit kay Pangulong Duterte.
Binalewala naman ng prosekusyon ang isyung pangkalusugan na idinahilan nina Argosino at Sombero.
Sinabi ng prosekusyon na hindi naman nangangahulugan na titindi ang sakit na diabetes ni Argosino kung makulong sa Camp Bagong Diwa habang si Sombero naman ay malinaw na kontrolado ang sakit at maaring ituloy ang pag-inom ng gamot habang nasa nasabing kulungan. Gemma Garcia