MANILA, Philippines — May mahigit 100 bata na nabakunahan ng Dengvaxia ang namatay sa bansa.
Ito ang sinabi ni Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta kaugnay ng patuloy na pagbusisi ng mga eksperto ng PAO sa mga batang nabigyan ng Dengvaxia vaccine.
Anya, sa 100 bata, 44 pa ang naisailalim nila sa autopsy matapos ayunan ng mga magulang ng nasawi na masuri ang labi ng anak.
Sinabi ni Acosta na kahapon ay isinailalim na rin ang ika-45 batang nabakunahan ng Dengvaxia na namatay makaraang magkasakit.
Ang pang-46 na bata na nasawi mula sa Cebu ay takda ring isailalim sa autopsy ng PAO expert makaraang pumayag ang magulang nito na masuri ang labi ng anak.
Una nang iniulat ng mga eksperto ng PAO na halos magkakatulad ang pattern ng pagkamatay ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia na makaraang magkasakit ay namatay at pare-parehong may mga pagdurugo ang internal organs.