MANILA, Philippines — Sigurado umanong magiging masaya ang mga Filipino sa resulta ng biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Boao forum sa Hainan, China.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa media briefing sa Hong Kong, maraming pasalubong si Pangulong Duterte na ikatutuwa ng mga Filipino sa pag-uwi nito ngayon (Biyernes).
Kabilang sa mga pasalubong ng Pangulo ang P9.5 billion investment; 10,000 bagong trabaho; P500 million aid; 100,000 English teachers na makakapagtrabaho sa China at iba pang tulong na ibibigay nito sa Pilipinas.
Ayon pa kay Roque, magandang biyaya rin ang mabuting pagkakaibigan ng China at Pilipinas na napagtibay sa biyaheng ito ni Pangulong Duterte.
Nakatakdang dumating ang Pangulo at kanyang delegasyon ngayong madaling araw (Biyernes) at lalapag sa Davao International Airport mula sa Hong Kong.