Bello nagbabala sa illegal layoff ng manggagawa sa Boracay

MANILA, Philippines — Nagbabala si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga pribadong establisimyento sa Boracay laban sa iligal na pagtanggal o layoff sa kanilang mga empleyado sa loob ng anim na buwang pagpapasara sa nasabing resort island sa darating na Abril 26.

Sa abisong inilabas noong Biyernes, sinabi ni Bello na ang “pansamantalang pagsuspinde sa operasyon ng mga negosyo ay hindi dapat magresulta sa pagkakatanggal sa trabaho ng kanilang mga manggagawa.”

Kasabay ng kautu­san ni Pangulong Duterte na pansamantalang suspindihin ang mga negosyo sa Boracay, sinabi ni Bello na maaari lamang mag­pa­tupad ang mga emplo­yer ng “No Work, No Pay” na polisiya, o ipaga­mit sa mga empleyado ang forced leave upang magamit ang mga leave credits ng kanilang mga manggagawa kung mayroon man.

Ang nasabing labor advisory ay “mahigpit na ipinatutupad at nararapat na sundin.”

Una nang sinabi ni Bello na magpapaabot ng tulong ang labor department sa mga apektadong manggagawa ng isla kabilang na ang pagbibigay ng emergency employment sa kanila. Mayroon din aniyang 5,000 informal sector na manggagawa at miyembro ng indigenous community sa isla ang magtatrabaho para sa paglilinis ng isla.

Naglaan na ang Ka­gawaran ng inisyal na P60 milyon para sa nasabing emergency employment assistance. 

Show comments