MANILA, Philippines — Isang pakikibaka nitong mga huling araw ang pagsusulong ng karapatang pantao sa Pilipinas, ayon kay Vice Pres. Leni Robredo sa idinaos na forum sa London, kasabay ng pagsasabing mistulang masamang bagay na umano ang tingin ng mga Pilipino sa karapatan.
Sa nasabing forum sa London School of Economics sa United Kingdom, binanggit din ni Robredo ang kahirapan na pag-usapan at isulong ang karapatang pantao sa Pilipinas, lalo na umano sa kanyang kalagayan, dahil maaring iniisip umano ng ilan na ang kanyang pagpuna sa mga polisiya ni Pangulong Duterte ay dahil sa ambisyon.
“I was a human rights lawyer for a long time and the way we’re doing things before, it seems that they are not working now. So it’s been a struggle. And the struggle is real,” wika ng Bise Presidente.
Ganunpaman, sa kabila umano ng mga balakid ay patuloy sa pagkilos at paghanap ng mga paraan ang mga tagapagtaguyod upang itulak ang mga pagsisikap at maigawad ang mga pangunahing karapatan.
Binigyang diin pa ng bise presidente na nagiging maingat na siya ngayon sa pagbibitaw ng mga salita lalo na sa usapin ng karapatang pantao dahil madalas na iba umano ang dating nito sa ilan at inililihis sa tunay na isyu.
Ganunpaman, nilinaw ni Robredo na hindi ibig sabihin ay natatakot siya kundi iniiwasan niyang mabigyan ng ibang kulay ang kanyang sasabihin at palalabasing may ambisyon siyang palitan si Pangulong Duterte.