MANILA, Philippines — Mahigit 800 bagong kaso ng human immunodeficiency virus-Acquired Immunodeficiency Syndrome (HIV-AIDS) ang naitala ang Department of Health (DoH) kabilang ang dalawang paslit, anim na buntis, at 22 katao na binawian ng buhay dahil sa naturang karamdaman.
Sa ulat ng HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines (HARP) ng DoH, nitong nakalipas na Pebrero ay nasa 871 bagong HIV antibody seropositive individuals at 16% o 135 sa kanila ay may clinical manifestations ng advanced HIV infection (WHO clinical stage 3 or 4) noong panahong ma-diagnose ang kanilang karamdaman.
Sa nasabing bilang, 832 o 96% ay pawang mga lalaki at karamihan o 32% (275) ay mula sa National Capital Region (NCR); 15% o 132 kaso mula sa Region 4A; 10% o 86 sa Region 7; 9% o 79 kaso sa Region 3 (9%, 79) habang 8% o 67 kaso sa Region 6.
Ang pinakabatang nabiktima ng sakit ay 4-anyos habang 70-taong gulang ang pinakamatanda, at ang median age ay 27-taong gulang.
Nananatili namang predominant mode ng transmission ay sexual contact o pakikipagtalik, na pumalo ng 97% o 841 kaso, kung saan 86% o 723 ay mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki.
Iba pang uri ng paraan ng pagkahawa ng impeksyon ay needle sharing sa mga injecting drug users (2%, 20 kaso); at mother-to-child transmission (<1%, 2), habang walong kaso ang hindi alam kung paano nahawahan ng sakit.
Kabilang rin sa mga nahawa ay anim na buntis, na kinabibilangan ng tatlo mula sa Region 7, at tig-isa sa Regions 3, 11, at NCR.
Bunsod ng mga naitalang bagong kaso, umabot na sa 1,892 ang bilang ng HIV/AIDS infection na naitala ng DoH ngayong 2018 pa lamang, at kabuuang 52,280 mula Enero 1984 hanggang Pebrero 2018.
Ang mga pasyenteng nasawi naman sa sakit ngayong taon lamang ay umakyat na sa 52 habang 2,511 naman mula Enero 1984 hanggang taong 2018.