Aguirre sibak na!

Resignation tinanggap ni Digong

MANILA, Philippines — Tinanggap na kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw sa puwesto ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II.

“I accepted the resignation of Vit Aguirre, my fraternity brother,” pahayag ng Pangulo kahapon sa Gawad Saka at Malinis at Masaganang Karagatan awarding rites.

Agad namang itinalaga ng Pangulo si Deputy Executive Sec. Menardo Guevarra bilang bagong DoJ secretary.

Una nang kumalat ang balitang nagsumite ng resig­nation letter sa Pangulo si Aguirre subalit itinanggi ito nina Presidential Spokesman Harry Roque at Guevarra.

Sinabi rin ni Roque na walang indikasyon na sisibakin ng Pangulo si Aguirre na dumalo pa sa Cabinet meeting kamakalawa ng gabi.

“No indications that Sec. Aguirre is on his way out during cabinet meet last Wednesday,” sabi ni Roque.

“President did not say anything about Aguirre or any cabinet revamp during cabinet meeting,” dagdag ni Roque.

Napaulat na sisibakin ni Pangulong Duterte ang kanyang classmate sa San Beda Law School na si Aguirre matapos ibasura ng DoJ prosecutors ang drug case ng mga drug lord na sina Peter Lim at Kerwin Espinosa.

Idinahilan ni Aguirre na mahina ang ebidensiyang iniharap ng PNP-CIDG para sa isinampang drug case laban kina Espinosa.

Iniutos din ni Aguirre na rebyuhin ang naging resolusyon ng mga prose­cutors at bumuo ito ng panibagong panel.

Ayon pa sa report, nagsimulang mabahiran ang tiwala ng Pangulo kay Aguirre matapos madawit ang huli sa P50-million bribery scandal na nagsasangkot kina dating Bureau of Immigration deputy commissioners Al Argosino at Michael Robles.

Bukod kay Aguirre ay napabalita rin na magbibitiw sa kanyang puwesto si Labor Sec. Silvestre Bello III.

Show comments