DOJ Sec. Aguirre nagbitiw?

Sec. Aguirre

MANILA, Philippines — Umugong kahapon na nagbitiw si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II matapos matunugan umano nito na siya ang posibleng sibakin ni Pangulong Duterte.

Agad naman itong itinanggi ng Malacañang matapos sabihin ni Senior Deputy Executive Sec. Me­nardo Guevarra na wala silang natatanggap na resignation letter mula kay Sec. Aguirre.

Sinabi ni Guevarra na walang katotohanan ang kumakalat na tsismis na nagsumite na ng kaniyang resignation letter si Aguirre kay Pangulong Duterte.

Ilang mediamen ang nagtangkang tawagan sa telepono si Aguirre subalit hindi nito sinasagot ang kanyang telepono hanggang sa mayroong magsabi na nagpapa-check up umano ito sa ospital. Napag-alaman din kahapon na dumalo sa cabinet meeting si Aguirre.

“We are not aware of any impending Cabinet revamp,” sabi ni Guevarra.

Idinagdag pa ni Guevarra, imbitado pa rin sa cabinet meeting kahapon si Aguirre taliwas sa mga haka-haka na nagbitiw na ito sa puwesto.

Napaulat na sisibakin daw ni Pangulong Duterte ang kanyang fraternity brother na si Aguirre matapos ibasura ng Prosecutor’s Office ang drug case ng mga drug lord na sina Peter Lim at Kerwin Espinosa.

Sinabi naman ni Guevarra na buo pa rin ang tiwala ng Pangulo sa DOJ chief.

Ayon naman kay Magdalo Rep. Gary Alejano, dapat kusang magbitiw na lamang si Aguirre sa halip na hintayin pa ang pagsibak sa kanya ni Pa­ngulong Duterte.

Sinabi ni Alejano na ang pagre-resign ang tamang gawin ni Aguirre dahil na rin sa humahabang listahan ng blunders o kapalpakan niya.

Subalit kung magbitiw man sa pwesto, hindi umano dapat makalusot sa pananagutan si Aguirre bagkus ay kailangan pa rin itong imbestigahan at kasuhan sa mga naging paglabag sa batas.

Ito umano ang magpapatunay kung talagang seryoso si Duterte sa laban niya sa korapsyon sa gobyerno nito.

Bukod kay Aguirre, napaulat din na nagsumite na ng kanyang resignation letter kay Pangulong Duterte si Labor Sec. Silvestre Bello III na mariing itinanggi rin ng Palasyo. (Dagdag ulat ni Gemma Garcia)

Show comments