MANILA, Philippines — Para sa kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino, nais paimbestigahan ni Senator Grace Poe sa kinauukulang komite sa Senado kung ano ang epekto ng pagtaas ng presyo ng de lata at iba pang pangunahing bilihin sa buhay ng mga mamamayan.
Sa Senate Resolution 679 na inihain ni Poe, sinabi nito na nakasaad sa Section 1, Article 13 ng Konstitusyon, dapat bigyang prayoridad ng Kongreso ang pagpasa ng mga batas na magtataguyod sa dignidad ng mga mamamayan.
Sinabi pa ni Poe kabilang sa trabaho ng gobyerno ang tiyakin na mapapanatili ang stability sa presyo ng mga pangunahing bilihin upang mabigyan ng proteksiyon ang mga consumers mula sa mga mapansamantalang negosyante.
Ayon kay Poe, sa ulat noong Marso 3, 2018 ng isang istasyon ng telebisyon, hiniling ng mga canned sardines manufacturers sa DTI ang increase na mula P1 hanggang P2 bawat lata ng sardinas.
Ang dahilan umano ng pagtaas ng presyon ng mga imported raw materials, petroleum products, at kuryente ay dahil sa TRAIN law kaya kailangan ring magtaas ng preso ng mga manufacturers.