Petmalu, Lodi, at Iba Pang mga Salitang Uso Yon-nga

MANILA, Philippines — BILANG kartunista, isa sa mga pinagkukuhaan ko ng mga ideya ay ang mga pagbabago sa lipunang Pinoy. Pagbabago sa mga kasuotan, pulitika, teknolohiya, at maging sa mga pana­nalita.

Bilang “baby boomer” ay nakalakihan ko ang mga salitang “WALASTIK, DYAGAN, POGI, at YEBA” na ginawa pang campaign catchword ng isang matagal nang umanong mayor ng Maynila.

Nang magtinedyer naman ako’y kapanahunan ng kulturang “HIPPIE” at kasabay ng pagpapahaba namin ng buhok, pagsusuot ng lumang maong at T-shirt ay ang madalas na pagbigkas namin ng mga salitang Ing­les na “COOL, PEACE, GROOVY, BUMMER, at HEAVY.”

Sa kasalukuyan ay nauso ang pagbaligtad o pagdyambol sa mga salitang Pinoy at Ingles, tulad halimbawa ng “PETMALU” (MALUPIT), LODI at WERPA na hango sa mga salitang Ingles na ‘IDOL’ at ‘POWER’. Marami akong kahenerasyon na nagsabing sa amin din galing ang ganong klase ng pananalita. Maaari ba nating kalimutan ang mga salitang “dehins” (hindi) erap, repakols, tsiks at ebubot (babae), yosi, lonta (pantalon) tospik (sapatos), at sondo (piso)? Ilan lang iyan sa mga salitang nauso noong kabataan ko at naalala kong madalas akong sitahin ng mahal kong ina sa paggamit ko sa mga naturang salita. Para raw akong kanto boy.

May klase ng pagbigkas na pinauso namin ng mga ka-batch ko sa U.P. Fine Arts na kung tawagin namin ay “GOLAGAT” Ano ‘yon? Tagalog na literal na binaligtad. “GNATUAP AGN!” Ang sinasabi namin ‘pag nanghihiram kami ng pera. Pero hindi ito nag-take off, ika nga. Dahil sa hirap ng pagbaligtad ng hindi lang isa o dalawang salita kundi buong pangungusap, conjugated pa!

Maraming purists sa wikang Filipino ang nanga­ngambang nabababoy ang lenggwahe natin ng mga pausong salita na ito. Ngunit ito’y bahagi lang ng walang katapusang ebolusyon ng ating wika at kultura.

Siguro kung hindi nagkaroon ng ebolusyon ang ­ating wika’y baka parang Balagtasan ang ating araw-araw na komunikasyon. So, istidi-istidi lang ayon na nga kay Pacman. Basta naiintindihan pa rin natin ang pananalita ng ating kabataan ay ayos lang. Nanggaling nga pala ako sa isang editorial cartooning workshop na ginanap sa U.P. Diliman kamakailan lang. Laking tuwa ko na buhay pa rin ang mga biyahe ng jeepney na paikut-ikot sa loob ng campus. Ang biyaheng IKOT-TOKI. Aaah, Peyups!

Show comments