MANILA, Philippines — Kailangang maimbestigahan sa lalong madaling panahon ang inilutang na dayaan sa 2016 elections ni Senator Tito Sotto, ayon ka Vice President Leni Robredo.
Aniya, seryosong bagay ang akusasyon kaya agarang imbestigasyon ang dapat dahil apektado rito ang buong electoral process mula sa Pangulo hanggang sa konsehal ng maliit na munisipalidad.
Ang pagkuwestyon sa integridad ng nakaraang eleksyon, ayon pa kay Robredo ay pagkuwestyon din umano sa panalo ng bawat nagwaging kandidato.
Dahil dito, interesado rin umano siya na marinig ang paliwanag ng Commission on Elections (Comelec) kung may katotohanan ang alegasyon.
Dagdag ng Bise Presidente, ang impormasyon na nakarating kay Senador Sotto ay mukhang iba sa mga akusasyong ginamit ni dating senator Bongbong Marcos sa electoral protest nito laban sa kanyang pagkapanalo bilang bise presidente noong May 2016 elections.
Magugunitang sinabi ni Sotto mula sa hindi nito pinangalanang source na bilang resulta ng dayaan sa automated balloting ay may tatlong senador na na-zero sa kung ilang daang presinto noong halalan.
Kaugnay nito ay iminungkahi ni Robredo na isang independent body na hindi maiimpluwensyahan ng pulitika ang tumingin sa alegasyon ni Sotto.