MANILA, Philippines — Handa na ang Senado na maging impeachment court sa trial ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na posibleng magsimula sa Hulyo.
Sa tantiya ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, sa Hulyo pa magsisimula ang trial pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte.
Pero nilinaw ni Sotto na wala naman siyang impormasyon na titiyak na sa Hulyo na magsisimula ang trial ni Sereno sa Senado.
Ipinaliwanag ni Sotto na ang House of Representatives ang tatayong prosecutors sa trial at tiyak na nanaisin rin nilang magbakasyon ngayong darating na Holy Week.
Sa sandaling maisampa na sa Senado ang Articles of Impeachment, bibigyan ng 15 araw si Sereno upang sumagot bukod pa sa 15 araw para naman sa rebuttal.
Magkakaroon aniya ng break ang Senado sa Hunyo 1 na isang mandatory break ayon sa Konstitusyon kaya hindi rin maaring mag-sesyon ang Kongreso na babalik na sa Hulyo 22, 2018
Kaya wala rin aniyang saysay kahit pa iakyat sa Senado ang trial ni Sereno habang naka-break ang Kongreso.