MANILA, Philippines — Iginiit ni Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawigin ang coverage ng kanilang primary care package upang maisama ang mga regular checkups at laboratory tests.
Naniniwala si Angara na mahalaga ang mga regular checkups upang maiwasan ang mas malubhang mga sakit.
Maaari aniyang makita sa mga regular na checkups at mga lab tests ang stages ng mga sakit at mas magiging madali ang gamutan.
Ayon kay Angara, kung isasama sa PhilHealth ang mga regular checkups, maaaring mas maraming mga Filipino ang mahikayat na magpatingin sa doctor.
“This would also encourage Filipinos to have a healthier lifestyle with less out-of-pocket expenses,” ani Angara.
Sa ngayon ay ipinagkakaloob ng PhilHealth ang isang primary care benefit package na tinatawag na “Tamang Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya o Tsekap” pero para lamang ito sa mga mahihirap, sponsored members at mga nagtatrabaho sa ibang bansa kabilang ang kanilang mga kuwalipikadong dependents.
Naniniwala si Angara na dapat talagang maging prayoridad ang mga mahihirap pero mas makakabuti kung ang nasabing package ay maging available na sa lahat.
“We commend PhilHealth for giving priority to the poorer sectors but such primary care package should be available for all. Ito po ang layunin ng universal healthcare—na siguruhin ang bawat Pilipino ay may kakayahang magpa-check-up at magpagamot nang hindi iniisip ang gastusin,” ani Angara.
Isa si Angara sa mga may akda ng Universal Health Care Act o Republic Act 10606.