MANILA, Philippines — Ipinaaaresto ng Sandiganbayan ang kontrobersyal na si dating Palawan Governor Joel Reyes matapos siyang hatulan sa maanomalyang renewal ng permit sa small scale mining permits na umano’y sumira sa kalikasan ng kanilang lalawigan.
Sa kautusang ipinalabas ng Third Division ng anti-graft court, inaprubahan ang mosyon ng prosekusyon na isinumite noong Enero 8 para kanselahin ang piyansa at agarang ibalik sa selda ang dating gobernador. Samantalang pinaiisyuhan na rin ng “warrant of arrest” ng anti-graft court si Reyes upang maipatupad sa lalong madaling panahon ang paghuli sa dating opisyal ng lalawigan.
Kamakailan, pinalaya sa piitan si dating Gov. Reyes matapos na ipawalang- sala siya sa kasong murder ng Court of Appeals (CA) kaugnay sa pagkamatay ng brodkaster at environmentalist na si Gerry Ortega noong Enero 2011 sa Puerto Princesa City.