MANILA, Philippines — Nasa 150 pamilya ang nawalan ng tahanan sa naganap na sunog sa Commonwealth Avenue, Barangay Old Balara, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Quezon City, nabatid na ang sunog ay naganap dakong alas-2:26 ng umaga na nagtagal halos dalawang oras bago tuluyang naapula.
Naiakyat sa ikatlong alarma ang sunog at kabuuang 15 fire truck at mga bumbero ang nagtulong-tulong para patayin ang apoy.
Ayon sa mga tauhan ng BFP-QC, nahirapan silang patayin ang apoy at mabilis ang naging paglaki nito dahil dikit-dikit ang mga bahay at pawang gawa lamang sa light materials.
Dagdag pahirap pa sa mga bumbero ang makipot na daan papasok sa lugar.
Sinasabing nagmula ang sunog sa ikalawang palapag na tahanan ng isang Alfredo Montemayor.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ng mga tauhan ng arson investigators para matukoy ang pinagmulan ng apoy.
Wala namang naiulat na nasawi o kaya’y nasaktan sa naganap na sunog.