NORTH COTABATO , Philippines — Isa na namang sundalo ang namatay habang dalawang sibilyan ang nasugatan sa panibagong roadside bombing sa Barangay Maitemaig, bayan ng Datu Unsay, Maguindanao noong Lunes ng umaga.
Kinilala ni Army’s 6th Civil Military Operations Battalion commander Lt. Col. Gerry Besana ang sundalo na si Private 1st Class Ian Chris Celeste ng Army’s 57th Infantry Battalion.
Nabatid na nagsasagawa ng clearing operations ang tropa ni Celeste sa Barangay Maitemaig, Datu Unsay malapit lamang sa Mt. Firis nang sumabog ang improvised explosive device (IED) na itinanim ng mga teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Kasunod nito, pasado alas-6 naman ng gabi nang sumabog ang isa pang bomba sa kahabaan ng national highway sa bahagi ng Barangay Labo-Labo sa Datu Hofer, Maguindanao.
Wala namang nasugatan o namatay sa mga sundalong nagbabantay subalit tatlo ang nasugatang sibilyan na sina TJ Devinagracia, 10, tinamaan ng shrapnel sa kanang kamay; Jonel Devinagracia, 28, may tama naman sa mukha at si Danilo Tobier, 22, tinamaan naman sa leeg.
Nabatid na dumaan lamang ang mga sibilyan sa lugar nang biglang sumabog ang bomba.