Pasok sa eskwela, tanggapan sa Maynila suspendido sa Pista ng Itim na Nazareno

Sa bisa ng Executive Order No. 01, Series of 2018 na may petsang January 3, 2017 idineklara ang suspensyon ng pasok sa lahat ng antas at lahat ng mga unibersidad, kolehiyo at eskwelahan sa Maynila. Edd Gumban/File 

MANILA, Philippines — Upang matiyak ang seguridad  ng mga estudyante, namamanata  at para maipagdiwang ang Pista ng Itim na Nazareno, idineklara ni Manila Mayor Joseph Estrada na kanselado ang pasok sa mga paaralan gayundin sa ilang opisina sa lungsod.

Sa bisa ng Executive Order No. 01, Series of 2018 na may petsang January 3, 2017 idineklara ang suspensyon ng pasok sa lahat ng antas at lahat ng mga unibersidad, kolehiyo at eskwelahan sa Maynila.

Suspendido rin ang pasok sa lahat ng departamento, tanggapan at kawanihan na nasa ilalim ng City Government of Manila maliban na lamang sa mga tanggapan na kunektado sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, traffic, health and sanitation at disaster and risk reduction management.

Ito ay alinsunod na rin umano sa inirekomenda sa alkalde alang-alang sa pagtiyak ng seguridad sa Araw ng Pista ng Itim na Nazareno at para maibsan ang inaasahang mabigat na daloy ng traffic sa Maynila sa Enero 9.

Para naman sa pasok sa mga pribadong tanggapan sa Maynila, ipinauubaya na ni Estrada ang pagpapasya sa kanilang management.

Show comments