5 high-value target na ‘tulak’, arestado
MANILA, Philippines — Dalawang itinuring na ‘high-value drug personalities’ ang nadakip ng operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos makumpiskahan ang mga ito ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P2.9 milyon noong Sabado sa isang shopping mall sa Pasay City.
Kinilala ni PDEA Director General Aaron N. Aquino ang mga suspect na sina Randy Gatdula, 38, at Marita Macatanga, 55, biyuda, kapwa naka-tira sa New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City.
Base sa report, na-ganap ang insidente noong Sabado (December 9) sa loob ng Mall Of Asia (MOA), Pasay City.
Isa sa mga ahente ng PDEA ang nagpanggap na bibili ng shabu na nasa 583.5 gramo, na tinatayang nagkakahalaga ng P2,9000.000.00.
Matapos matanggap ang buy-bust money kapalit ng shabu, dito na dinakip ng mga kagawad ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) sa pamumuno ni Director Ismael Fajardo Jr. ang mga suspect.
Nabatid na sina Gatdula at Macatanga ay kapwa itinuturing ng PDEA na mga ‘high-value targeted drug personalities’ na nagsasagawa ng iligal na operasyon sa ilang lugar ng Kalakhang Maynila.
Samantala, sa Quezon City, tatlong sinasabing drug pusher ang inaresto ng mga awtoridad sa isinagawang ope-rasyon sa isang apartelle sa Brgy. E. Rodriguez sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay P/Chief Inspector Ferdie Mendoza, hepe ng District Drug Enforcement Unit ng Quezon City Police District (QCPD), isinagawa nila ang operasyon dakong alas-4:00 ng madaling araw na nagresulta sa pagkakaaresto kina Edfer Ducay, 31, ng Brgy. Botocan; Alfredo Ayong, 21, Brgy. Krus na Ligas, at Ana Marie Escorial, 19, ng Brgy. Malaya, sa Maria’s Place apartelle sa New York St., kanto ng St. Mary St., sa Brgy. E. Rodriguez sa Cubao.
Nakumpiska mula sa tatlo ang 20 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P100,000.
Bagamat aminadong mga drug users, mariin namang itinatanggi ng mga suspek na nagbebenta sila ng illegal na droga.
Sinabi ni Mendoza na matagal na nilang minamanmanan ang tatlo na ang taktika ay magpalipat-lipat sa magkakaibang apartelle sa lungsod.
Natiyempuhan naman aniya nila ito sa naturang apartelle kaya’t kaagad nang nagsagawa ng buy bust operation laban sa mga ito.
Nabatid na isang asset ng pulisya ang matagal nang sumusubaybay sa tatlo at nang matiyak ang lokasyon ng mga ito ay agad ikinasa ang operasyon.
Ang tatlo ay naka-takdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest