Trump nag-alok na ‘mediator’ sa WPS

MANILA, Philippines — Nag-alok na si US President Donald Trump sa Pilipinas at ibang claimants sa South China Sea o West Philippine Sea (WPS) na maging “mediator” o mamagitan sa territorial dispute sa nasabing rehiyon.

Ayon kay Trump, handa siyang pumagitna sa mga bansang claimants sa South China Sea kabilang na ang China na halos umaangkin sa buong WPS.

Nagpasalamat naman si Pangulong Rodrigo Duterte kay Trump sa kanilang paghaharap sa 31st ASEAN Summit sa magandang layunin nito at maging ang ibinibigay na suporta ng US sa Pillipinas kabilang na ang tulong na naibigay sa Marawi conflict.

“If I can help mediate or arbitrate, please let me know,” unang naging pahayag ni Trump sa pakikipagpulong nito kay Vietnamese President Tran Dai Quang sa Hanoi bago tumulak papuntang Pilipinas para sa ASEAN Summit.

Ipinagmalaki pa ni Trump na magaling siyang mediator at arbiter.

Sa ngayon, pinaplantsa na ng ASEAN leaders at China ang “code of conduct (COC) na magbibigay ng solusyon sa territorial dispute sa South China Sea.

Inaasahan na maka­gagawa ang ASEAN at China ng “Declaration on the Conduct of Parties” na pinasimulang buuin ng mga miyembro ng ASEAN noong Agosto.

Nagkasundo naman ang Vietnam at China kahapon na hindi makikisama sa anumang “conflict” sa South China Sea sa layuning mapahupa ang anumang tensyon sa rehiyon.

Show comments