MANILA, Philippines — Aabot sa 924 personnel ng PNP-Police Security Protection Group (PSPG) ang itatalaga bilang mga close-in at convoy security escorts sa mga head of states at VIPS na dadalo kaugnay ng gaganaping 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa darating na Nobyembre 13-15.
SInabi ni PNP-PSPG Director P/Chief Supt. Joel Crisostomo Garcia na umpisa pa lamang sa pagdating ng mga senior officials na magpapartisipa sa ASEAN Summit ay mag-e-escort na ang mga PNP-PSPG personnel.
Una nang inihayag ng mga opisyal na aabot sa 60,000 ang mangangalaga sa seguridad sa ASEAN Summit upang matiyak na magiging mapayapa at matiwasay ang makasaysayang okasyon na iho-host ng Pilipinas.
Kaugnay nito, inalerto naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang lahat ng mga pulis at tropa ng militar na naatasang magbantay sa mga lider at delegasyon ng ASEAN Summit na maging vigilante sa lahat ng oras.
Binigyang diin ni Lorenzana na walang dapat na mangyaring hindi magandang mga insidente ng pananabotahe sa ASEAN Summit dahil lilitaw na kahiya-hiya ang bansa sa buong mundo.
“So, it is very important that we should secure the heads of state while (they are) here. Kasi kung may mangyari sa kanila dyan, may bukol sa atin yan eh,” sabi pa ng kalihim.
Nabatid na kapwa nakaalerto ang PNP at AFP sa pagdaraos ng ASEAN Summit.