MANILA, Philippines — Itinalaga ni Pangulong Duterte si Kabayan party-list Rep. Harry Roque bilang kanyang bagong tagapagsalita kapalit ni outgoing Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Mismong si Duterte ang naghayag nito sa dinner para sa kaarawan ni Roque sa Davao City.
Sinabi ng Pangulo na hindi na congressman si Roque at isa na itong secretary.
Ikinumpara pa ng Pangulo ang paraan ng pagsasalita kay Roque at sinabing parehong malikot ang kanilang bunganga.
“Sabi ko Harry will fit the - kasi medyo malikot ang bunganga namin,” pahayag ng Pangulo.
Kinumpirma naman ni Roque na tinanggap na niya ang alok ni Duterte na maging Presidential Spokesman.
Inihayag din ng Pangulo na dadalo si Roque sa Cabinet meeting sa Malacañang sa Nobyembre 6 pagkatapos ng kanyang biyahe sa Japan.
Wala namang ideya si Roque sa pagkakasibak ng Pangulo kay Abella bilang spokesman.
“Wala naman pong binanggit si presidente. Ang sabi lang niya ay si Secretary Abella ay talaga pong pastor. Hindi naman daw po ito simbahan, ang kailangan daw ay yung naiintindihan ang kanyang ibig sabihin at nakaka-anggulo rin, ‘yun po ang sabi niya,” ani Roque sa panayam.
Samantala, inihayag naman ni Roque na hindi magbabago ang kanyang posisyon tungkol sa human rights.
Sinabi ni Roque na naniniwala pa rin siya na dapat binibigyan ng proteksiyon ang karapatang pantao ng lahat ng mamamayan.
Ipinaliwanag pa ni Roque na ang kanyang pagtanggap sa posisyon ay hindi nangangahulugang kinukunsinti na nito ang karahasang naiuugnay sa anti-drug war ng Duterte administration, bagkus mananatili raw ang kanyang human rights advocacy.
Inihayag din ni Roque na kabilang sa dahilan ng pagtanggap na maging miyembro ng gabinete ay para makausap at mapayuhan si Pangulong Duterte sa pagtugon sa human rights issues sa bansa.
Kahit pa aniya siya ay miyembro ng Gabinete o hindi, patuloy niyang pahahalagahan ang karapatan ng lahat ng tao na mabuhay ng may dignidad at hindi niya sinusuportahan ang pagpatay ng gobyerno sa sinuman.