Manila City at Quezon City jail, ginalugad
MANILA, Philippines — Isinagawa ang paghalughog sa loob ng Manila City Jail (MCJ) sa Sta. Cruz, Maynila bilang hakbang ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na matiyak na walang illegal na aktibidad na nagaganap sa loob ng piitan.
Sinabi ng tagapagsalita ng MCJ na si Senior Inspector Jay Rex Joseph Bustinera, ang isinagawang operasyon ay alinsunod sa kautusan ni BJMP chief, General Deogracias Tapayan.
Umalalay naman ang mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT) at Station 3 ng Manila Police District (MPD). Ilang kubol ang giniba dahil matagal nang ipinagbabawal ito sa loob ng mga piitan.
Maraming selda naman ang hinalughog na nakuhanan ng alak, mga pirated CDs na naglalaman ng pornographic materials at mga pelikula, bingo cards, deadly weapons tulad ng mga gunting, matutulis na bagay, drug paraphernalia, mga sirang bahagi ng electric fan, sinturon, mga tali, razor, baraha at iba pa.
Gayunman, ang conjugal visit ay pansamantala lamang na ipinagbawal habang may ‘Oplan Linis’ kaya hindi na winasak ang mga kuwarto na gamit sa conjugal visit sa mga preso.
Umabot na sa 5,565 bilanggo ang nakapiit sa MCJ na over capacity dahil sa 1,100 preso lamang ang dapat dito.
Samantala, muli ring nagsagawa ng ‘Oplan Greyhound’ ang mga awtoridad sa Quezon City Jail upang matiyak na walang mga kontrabando sa loob ng bilangguan, na maaaring magamit ng mga preso sa illegal na aktibidad.
Sa isinagawang surprise inspection ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), katuwang ang Quezon City Police District (QCPD), kahapon ng umaga, nakakumpiska sila ng mga mga deadly weapons tulad ng kutsilyo, mga tubo, kutsara at tinidor, mga pako, salaming ginagamit sa surveillance, gunting, at maging mga gamit sa pagta-tattoo.
Wala namang narekober na shabu o iba pang uri ng illegal na droga sa loob ng bilangguan ang mga awtoridad, ngunit nakakumpiska sila ng aluminum foil at ballpen, na ginagamit nila bilang tooter, sa pagbatak ng shabu.
Nananatili pa rin ang congestion ng mga preso sa loob ng kabilang kulungan na isa sa mga problema sa lahat ng selda sa bansa.
Nabatid na kaya lamang maglaman ng 800 bilanggo ang QC Jail, ngunit nasa 3,000 inmate ang kasalukuyang nagsisiksikan sa ngayon.
Ang panibagong Oplan Greyhound ay ikatlong beses ng isinagawa sa Quezon City Jail mula lamang noong nakalipas na buwan.
- Latest