MANILA, Philippines — Pumasa sa mga kongresista ang grounds para sa impeachment complaint laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa botong 25-2, idineklara ng House justice committee na may “sufficient grounds” ang reklamo ni Atty. Larry Gadon laban kay Sereno.
Ayon sa komite, tama ang apat na grounds na inilagay ni Gadon sa kanyang reklamo kung saan pinagbasehan sa impeachment ang 27 Acts na ibinibintang kay Sereno.
Inaakusahan ni Gadon si Sereno ng umano’y culpable violation of the Constitution, corruption, other high crimes at betrayal of public trust.
Ayon naman kay committee chairman Rep. Reynaldo Umali, wala pa sila sa punto ng pag-alam kung may sapat na basehan upang litisin si Sereno dahil sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Nobyembre 20 ay muli silang magsasagawa ng imbestigasyon para madetermina naman ang probable cause ng nasabing reklamo.
Samantala, inaprubahan din sa nasabing pagdinig ang committee report na nagbabasura sa impeachment complaint laban kay Comelec Chairman Andres Bautista kung saan 26 miyembro ang bumoto sa mosyon ni Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal.