Krimen dahil sa droga iimbestigahan din ng CHR

MANILA, Philippines — Iimbestigahan na rin umano ng Commission on Human Rights (CHR) maging ang mga karumal-dumal na krimen at mga krimen na nagawa dahil sa impluwensya ng iligal na droga.

Ayon kay Davao Rep.  Karlo Alexei Nograles, chairman ng House Committee on Appropriations na nangako sa kanila ang CHR na mas palalawakin pa ang kanilang mga ginagawang imbestigasyon at hindi nakatutok lang sa mga paglabag sa karapatang pantao na nagawa ng estado.

Nangako rin sa kanila si CHR Chairman Chito Gascon na iimbestigahan na rin nila ang lahat ng paglabag sa karapatang pantao kabilang na ang drug related cases.

Ito lamang umano ang ilan sa mga ipinangako ni Gascon sa pagharap sa mga lider ng Kamara partikular kay House Speaker Pantaleon Alvarez nang hilingin na maibalik ang kanilang pondo para sa 2018.

Subalit hindi buong pondo umano ng CHR ang ibabalik ng Kamara at P508 milyon lang ang magiging pondo nila para sa 2018 mula sa P623 milyon na inilaan ng DBM.

Ito ay dahil binawasan umano nila ang traveling expenses, representation expenses at subscription expenses ng CHR.

Kahit na nakaltasan ay siniguro naman ni Nograles na hindi naman maapektuhan ang mga programa ng CHR sa susunod na taon.

Samantala, sinabi nina Gabriela Women’s Party Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, na ang pagbabalik ng pondo ng CHR ay dahil sa ginawang ingay ng publiko sa pagkondena nila sa mga kongresistang bumoto para pondohan ang komisyon ng P1,000 mula sa P678 milyon.

Show comments