Jinggoy laya na, nagpiyansa ng P1.3M

Niyakap ni dating Sen. Jinggoy Estrada ang inang si Dra. Loi Ejercito Estrada nang magkita sa San Juan matapos payagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa sa kasong graft at plunder. Masaya namang nakamasid ang kanyang amang si Manila Mayor Joseph Estrada at mga kapatid. (Michael Varcas)

MANILA, Philippines — Matapos ang tatlong taong pagkakakulong, nakalaya na si dating Sen. Jinggoy Estrada matapos magpiyansa kahapon ng P1.33 million sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel fund scam.

Dumating sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ang abogado nito na si Atty. Alexis Suarez para sunduin si Estrada at agad na tumungo sa Sandiganbayan para tapusin ang kanyang bailing procedure.

Bago lumabas ay si­nuri muna ng doktor mula sa PNP General Hospital si Estrada bilang parte ng final check-up.

Dakong alas-10:00 ng umaga inihain ng mga abogado ni Jinggoy ang piyansa sa 5th Division ng Sandiganbayan.

Ayon kay Suarez, ang P1M ay para sa kasong plunder at P330,000 para naman ?sa 11 counts ng graft.

Base sa ipinalabas na desisyon ng korte, walang matibay na ebidensya na magpapatunay na “main plunderer” si Jinggoy sa P10B pork scam.

Tinukoy ng korte na ang negosyanteng si Janet Lim Napoles na itinurong mastermind umano sa ‘corruption scheme’ ang may direktang kontrol sa pork barrel scam.

“Although there is evidence to show that there were glaring irregularities in the disbursement of accused Estrada’s PDAF allocations and that he received a sum of money from his participation in these irregularities, there is no strong evidence to show that he is the main plunderer within the contemplation of the plunder law and as alleged in the information,” anang korte.

Ang release order ay nilagdaan ni Associate Justice Edgardo Calona na ipinadala sa PNP Custodial Center para pa­kawalan si Jinggoy na nakulong dito simula noong Hunyo 2014.

Sinabi ni Suarez na patuloy na dadalo sa pagdinig sa kaniyang kaso si Jinggoy habang nakalalaya ito.

Magugunita na si Jinggoy ay nakulong sa alegasyong nakinabang ito sa kickbacks sa P183M pekeng proyekto mula sa P10B pork barrel fund ni Napoles.

“’Pag punta ko dito (Sandiganbayan), wala nang guwardiya sa likod ko, sa harap ko, sa tagiliran ko. I’m a free man already but I will religiously attend the hearings of my plunder case,” sabi ni Estrada.

“I would like to thank our Lord God for giving me this opportunity. I would like to thank the magistrates of the Sandiganbayan for approving my petition for bail, and I would like to thank my family and supporters for their non-ending prayers for me,” dagdag niya.

Nang tanungin kung sino ang mami-miss niya sa kulungan, “Si Bong Revilla. Sino pa ba?” sabi ni Jinggoy.

Isang thanksgiving mass naman ang inihanda ng pamilya Estrada sa Pinaglabanan shrine sa San Juan City.

Si Jinggoy ay kabilang sa tatlong dating senador na akusado at nakulong sa pork barrel scam na kinabibilangan din nina Bong Revilla at Juan Ponce Enrile.

Si Enrile ay nakalaya matapos na magpiyansa noong 2015 habang nanatili pa sa kaniyang detention cell si Revilla.

 

Show comments