MANILA, Philippines — Pinayagan ng Sandiganbayan ang hirit ni dating Sen. Jinggoy Estrada na makapagpiyansa para sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.
Ayon sa mga source, 3-2 ang naging resulta ng botohan ng Special Fifth Division sa omnibus motion ni Estrada na inihain ng Setyembre ng nakaraang taon.
Nasa P1 milyon ang piyansa umano ni Estrada para sa kasong plunder habang P330,000 naman para sa 11 counts ng graft.
Higit tatlong taon nang nakakulong ang dating senador sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Nag-ugat ang kaso ni Estrada sa pagkubra umano ng P183-milyong halaga ng kickback matapos ilagak ang Priority Development Assistance Fund sa mga pekeng non-government organization ng tinaguriang pork scam mastermind Janet Lim-Napoles.