MANILA, Philippines — Nakitaan ng House Committee on Justice na sufficient in form and substance ang isa sa dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Sa ginawang botohan kahapon, parehong 30 ang bumoto at naniniwalang sufficient in form and substance ang reklamong isinampa ni Atty. Lorenzo “Larry” Gadon habang apat ang kumontra.
Kabilang sa nagsabing depektibo ang reklamo ay sina Albay Rep. Edcel Lagman, Dinagat Island Rep. Kaka Bag-ao, Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Akbayan Rep. Tom Villarin na iginiit na walang personal na nalalaman sa kontrobersyal na alegasyon si Atty. Gadon laban sa Chief Justice.
Pinangunahan ni House Justice Committee chairman Rep. Reynaldo Umali ang hearing na dinaluhan ng 37 mga miyembro ng komite.
Sa mosyon ni COOP NATCCO Rep. Anthony Bravo at Kabayan Partylist Rep. Harry Roque, pinagtibay ng panel ang impeachment complaint ni Gadon na may sapat na basehan para dinggin ang pagpapatalsik sa puwesto kay Sereno.
Ayon kay Zarate, ang complaint ni Gadon ay “defective” at base lamang sa mga newspaper clips at hearsay kaya dapat umano itong ibasura.
“All allegations in the Gadon complaint are based on newspaper clippings. I don’t think that will qualify as personal knowledge,” punto ni Zarate .
“Newspaper clippings by any evidenciary standards cannot be considered authentic documents,” giit naman ni Lagman.
Nagtataka naman si Bag-ao kung paano nakagawa si Gadon ng complaint noong Agosto 2 base sa mga dokumento na inilabas ng SC noong Agosto 15 at karamihan ng reference ay newspaper clippings.
Sinabi naman ni Villarin na ang impeachment complaint ay dapat suportado ng mga ebidensiya at hindi sa mga alegasyon at news reports lamang.
Pero iginiit naman ni Umali na may matibay na mga dokumento ang inihaing reklamo.
Kabilang sa mga inaakusa kay Sereno ang corruption, betrayal of public thrust sa pagbili ng Toyota Land Cruiser na nagkakahalaga ng P5.1 million na ang totoong presyo ay nasa P4.5 million lamang.
Gumasta pa umano si Sereno ng P3 million para maipa-bullet proof ang nasabing behikulo.
Bigo rin umano si Sereno na ilahad lahat ang kanyang mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Kaugnay nito, dinismis naman ng komite ang hiwalay na impeachment complaint nina VACC Chairman Dante Jimenez at VPCI President Atty. Eligio Mallari.
Sa susunod na linggo ay tatalakayin ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Comelec Chairman Andres Bautista.