Trillanes lumagda sa waiver
MANILA, Philippines — Lumagda kahapon sa 12 bank waivers si Senator Antonio Trillanes upang pabuksan ang mga sinasabing accounts niya sa ibang bansa na ayon sa kanya ay puro peke at dalawa sa sinasabing mga bangko ay peke rin o non-existent.
Sa isang pulong-balitaan kahapon, ipinamahagi ni Trillanes sa media ang kopya ng 12 bank waivers kung saan binibigyan niya ng karapatan ang Office of the Ombudsman at ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na buksan ang mga sinasabing bank accounts niya sa ibang bansa.
“Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nambibintang na meron umano akong mga account sa mga banko sa ibayong-dagat na ang mga sinasabing detalye ay inilathala ng mga tagasuporta ng Pangulo,” sabi ni Trillanes sa kanyang waiver.
Ipinunto pa ni Trillanes na walang Nova-Scotia Bank na sinasabing mayroon umano siyang Canadian $88,551.00 sa account number 18500-62105-00-1.
Maging ang Hong Kong Shanghai Bank umano na sinasabing mayroon siyang New Zealand $61,982.10 ay non-existent o pekeng bangko.
“Ni isang offshore bank account wala ako,” dagdag ni Trillanes.
Nagbanta pa si Trillanes na sasampahan ng kasong libel sina Erwin Tulfo, Mocha Uson at isang Ben Tesiorna na diumano’y nagpakalat ng impormasyon tungkol sa kanyang mga pekeng bank accounts na pinagbasehan naman ni Pangulog Duterte ng rebelasyon nito.
“Over the weekend, kinuha namin yong mga bank accounts na sinabi ni Duterte…came from three sources, Erwin Tulfo, Mocha Uson blog at itong Davao breaking news website,” sabi ni Trillanes.
Sa pahayag ng Pangulo na sisirain niya si Trillanes bago siya masira nito, sinabi ng senador na dapat itodo na ng Pangulo at gawin na ang pinakamasama niyang magagawa.
“Just try. Itodo mo na. Do your worst,” sabi ni Trillanes.
Idinagdag nito na hindi niya sisirain ang Pangulo sa mga pekeng istorya kung hindi sa katotohanan.
Sinabi pa ni Trillanes na lahat ng bank accounts na inilathala ng mga supporters ni Duterte ay mayroon nang bank waivers upang mabusisi kung totoo nga ang mga ito.
Naniniwala rin si Trillanes na “diversionary tactics” o paglilihis sa totoong isyu ang mga sinasabing bank accounts niya upang mawala ang atensiyon ng publiko sa isyu ng P6.4 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs.
Hinamon din ni Trillanes si Duterte na maglabas at lumagda ng mga bank waivers para sa kanyang mga accounts sa bangko.
Samantala, tiniyak kahapon ng Malacañang na mayroong sapat na ebidensiya ang Pangulo kaugnay sa mga ibinunyag niyang iba’t-ibang bank accounts ni Trillanes na nakakalat umano sa America, Hong Kong at Australia.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na malawak ang intelligence resources ng Punong Ehekutibo dahilan upang makakuha ng mga classified information.