MANILA, Philippines - Sinalakay ng tinatayang 300 mga armadong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang isang eskwelahan at Cafgu detachment kung saan ginawang human shield ang 23 katao sa isa na namang paghahasik ng kaguluhan sa Barangay Malagakit sa bayan ng Pigkawayan, North Cotabato, kahapon ng umaga.
Ayon kay Army 602nd spokesperson Captain Nap Alcarioto, pinamunuan nina Kumander Abunawas Damiog, Abu Zaiden, Abu Sala, at si Agila ang pag-atake sa nasabing lugar.
Wala namang nasugatan sa rumespondeng Army’s 34th Infantry Battalion na nagsagawa ng reinforcement at blocking operations laban sa BIFF members.
Sa ulat naman na nakarating sa Cotabato Police Provincial Office, bandang alas-5:45 ng umaga nang salakayin ng pangkat ng BIFF ang Malagakit Elementary School at Simsiman Cafgu detachment.
Hinostage rito ang nasa 23 estudyante at mga residente sa lugar na ginawa nilang pananggalang sa pagtakas.
Itinanggi naman ni P/Supt. Omar Obas na may mga hostage na guro at estudyante sa nasabing paaralan.
Naganap ang pag-atake sa gitna na rin ng una nang napaulat na may plano ang BIFF na sumaklolo sa Maute-Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na nakabakbakan ng militar at pulisya sa Marawi City.
Sinuspendi ng Department of Education ang pasok sa lahat ng level sa Pigcawayan West District makaraang sumiklab ang bakbakan.
Kaugnay nito, idineklara naman ng alkalde ng bayan ng Midsayap na may ilang kilometro sa bayan ng Pigkawayan na walang pasok sa nasabing bayan.
Dahil dito, lumobo na sa halos libong katao ang lumikas mula sa apektadong barangay ng Pigkawayan.
Nagsiatras na ang mga kalaban patungo sa direksyon ng kagubatan habang patuloy naman ang pagtugis ng tropa ng militar at pulisya.