Sa magkakahiwalay na pamamaril
MANILA, Philippines - Apat katao ang nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong salarin sa magkakahiwalay na insidente sa lalawigan ng Zamboanga del Sur at Laguna kamakalwa ng gabi.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO)9, bandang alas-8:45 ng gabi nang pagbabarilin ang biktimang si Meriam Gentiles, 52 taong gulang, biyuda sa bisinidad ng Brgy. Dumagoc, Pagadian City, Zamboanga del Sur .
Ayon sa pulisya bigla na lamang sumulpot ang riding in tandem na mga armadong salarin na lulan ng motorsiklong walang plaka saka pinaulanan ng bala ang biktima na dead-on-the-spot sa insidente.
Sa isa pang insidente, dakong alas-7:20 naman ng gabi nang pagbabarilin at mapaslang ang bitkimang si Omar Hanapi, 36 taong gulang sa Brgy. Kasangyangan, Zamboanga City.
Narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol na ginamit sa pamamaslang.
Samantalang sa lalawigan ng Laguna, bandang alas -11 naman ng umaga nang paslangin ang biktimang si Rufino Comighon, 47 taong gulang sa San Pablo City habang lulan ito ng pampasaherong jeepney (TVN 493).
Idineklarang dead-on-arrival ang biktima sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Napaslang naman ang isa pa na si Ruel Perez, 48 taong gulang matapos na pagbabarilin ng riding in tandem na mga armadong salarin na nakasuot ng jacket at helmet sa kahabaan ng national road Brgy. Masbas, Los Baños ng lalawigan bandang alas -3:30 ng hapon kamakalawa.
Sa imbestigasyon, ang biktima ay kasalukuyang nakaangkas sa motorsiklong minamaneho ni Apolonio Olmidillo na bumabagtas sa lugar nang mangyari ang insidente kung saan sumalpok pa ang mga ito sa poste na siyang ikinasawi ng nasabing mister.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo ng krimen at inaalam na rin kung may kinalaman ito sa droga.