MANILA, Philippines - Mariing itinanggi ng ilang kongresistang miyembro ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) na nasuhulan sila para ibasura ang appointment ni Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon kay Isabel Rep. Rodito Albano na isa sa kasapi ng House contingent sa CA na walang katotohanan ang mga alegasyon na naambunan ng lobby money ang mga nakakarami nilang miyembro.
Iginiit ni Albano na walang lumapit sa kanya para i-lobby ang appointment ni Lopez para aprubahan man o ibasura ng komisyon.
Wala rin umanong lohika ang alegasyon laban sa kanila dahil imposibleng makapagbayad ang mga korporasyong naipasara na ni Lopez.
Ikalawa ay wala namang kasiguruhan na makakabalik ang mga ito sa operasyon lalo na at mabigat din ang posisyon ni Pangulong Duterte laban sa iresponsableng pagmimina.
Tumanggi naman si Albano na isapubliko kung ano ang kanyang naging boto sa nominasyon ni Lopez subalit si A-Teacher Rep. Julieta Cortuna ay umamin na tinutulan niya ang kumpirmasyon nito.
Bagamat saludo umano si Cortuna sa passion ni Lopez ay nakukulangan siya sa naging trabaho ng kalihim dahil masyado siyang nakatutok lamang sa sektor ng pagmimina.