P750 minimum na sahod isabatas

Hinimok kahapon nina ACT Teachers Party-List Representatives Antonio Tinio at France Castro si Pangulong Rodrigo Duterte na taasan ang mga suweldo ng mga manggagawa at emple­yado sa pampubliko at pribadong sektor at magpatibay ng isang maka-mamamayang tax reform.

MANILA, Philippines - Hinimok kahapon nina ACT Teachers Party-List Representatives Antonio Tinio at France Castro si Pangulong Rodrigo Duterte na  taasan ang mga suweldo ng mga manggagawa at emple­yado sa pampubliko at pribadong sektor at magpatibay ng isang maka-mamamayang tax reform.

Sumama kahapon ang mga education solons sa iba’t-ibang sektor sa pagtutulak ng pambansang minimum na sahod ng P750 kada araw para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at P16,000 buwanang sahod para sa mga empleyado ng gobyerno. Ipinanawagan din nila ang pagbasura sa ipinanukalang bagong excise tax sa gasolina at VAT expansion na ang tatamaan ay ang mamamayan  partikular ang mga mahihirap. 

Napansin ni Castro na sa legislative agenda ni Duterte, pati na ang inihayag nito sa kanyang Philippine Development Plan 2017-2022, hindi kasama ang mga pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa.

“Ang mga guro sa pampublikong paaralan ay kabilang sa mga propes­yonal at mga empleyado ng pamahalaan na naghihirap sa ilalim ng divisive schemes na magbigay ng karagdagang kompensasyon batay sa pagganap ng trabaho tulad ng Performance Based Bonus, Resulta-based Performance Management System at PBIS,” ani Castro.

Ayon sa dalawang kongresista, ang kailangan nila sa sektor ng edukasyon ay minimum salaries na P25,000 para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan, P16,000 para sa mga non-teaching staff at P27,000 para sa mga guro sa pampublikong unibersidad at kolehiyo.”

Hinikayat din  ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate si Pangulong Duterte na sertipikahan bilang urgent ang panukalang  P750 daily minimum wage ng mga manggagawa.

Bukod dito hinamon din ni Zarate ang Pangulo na tuparin ang kanyang pangakong ihihinto ang exploitation sa mga manggagawa.

Kumbinsido rin ang kongresista na ang nasabing halaga ang kailangan ng pamilyang Pilipino para magkaroon ng disenteng buhay.

Paliwanag pa niya, napakababa at napako na ang kasalukuyang minimum wage kaya hindi makaagapay ang mga manggagawa sa napaka­taas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Nanawagan din si Zarate sa liderato ng Kamara na paspasan ang pag apruba sa House bill 1208 para matigil na ang kontraktuwalisasyon at Endo.

Show comments