Helper tinarakan kritikal

MANILA, Philippines -  Nasa malubhang kalagayan ngayon ang isang 22-anyos na helper nang saksakin ito ng isang lalaki matapos sitahin ng biktima ang suspek dahil sa umano’y pagdadala nito ng droga sa loob ng simenteryo kamakalawa sa Malabon City.

Dahil sa tinamong malalim na saksak sa dibdib, mula sa Pagamutang Bayan ay inilipat sa Caloocan City Medical Center upang lapatan ng lunas ang biktimang si JP Paterno.

Pinaghahanap naman sa ngayon ng pulisya ang suspek na si Melvin Reyes, 20, nakatira  sa #55-161 P. Concepcion St. Brgy. Tugatog ng naturang siyudad.

Sa pagsisiyasat ni SPO1 Alexander Dela Cruz, ng Malabon City Police, naganap ang insidente alas-12 ng hapon sa loob ng Tugatog Public Cemetery, Brgy. Tugatog ng naturang lungsod kung saan dito nakatira ang biktima.

Sa pahayag ng isang saksi na hindi na pinabanggit ang pangalan sa pulisya, narinig niyang nagtatalo ang dalawa dahil sinita umano ng biktima ang suspek hinggil sa pagdadala nito ng droga sa naturang simenteryo.

Na ikinagalit umano ng suspek at sandaling umalis ito at nang bumalik ay may dala na itong patalim at inundayan sa dibdib ang naturang biktima.

Dahil dito, nagsagawa ng follow-up ang mga pulis para arestuhin ang suspek, subalit nakatakas na ito.

Ang biktima naman ay mabilis na isinugod ng kanyang mga kaanak sa naturang ospital.

Show comments