MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng Kamara ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga nandaraya sa mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Marinduque Rep. Lord Alan Velasco, chairman ng House Committee on Energy na bumuo na sila ng Technical Working Group (TWG) na siyang mag-aaral sa panukalang magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga nasa likod ng pandaraya sa mga petroleum products.
Idinagdag pa ni Velasco na ang TWG ay pamumunuan nina Oriental Mindoro Rep. Rey Umali at 1-Care Rep. Roman Uybarreta na silang tatrabaho sa House Bill 27 na iniakda naman ni Umali.
Layunin ng House Bill 27 na amyendahan ang section 3-A at 4 ng Presidential decree no. 1866 na nagtatakda ng kaukulang parusa sa pandaraya sa langis tulad ng short selling at adulteration ng finished petroleum products.
Sa ilalim ng nasabing batas, papatawan lamang ng Department of Energy (DOE) ng multa na mula P10,000 hanggang P50,000 o pagkakakulong ng dalawa hanggang limang taon ang mga lumalabag dito.
Subalit sa HB 27, itataas ang parusa sa multang P100,000 at suspension o pagtanggal ng lisensya o permit ng kumpanya sa sinumang lalabag.
Para naman sa convicted violator ay P300,000 ang multa at pagkakakulong ng 3 hanggang 6 na taon.
Base sa pag aaral, ang problema sa air pollution sa Metro Manila ay sanhi ng usok ng mga sasakyan na hindi lamang dahil sa mahinang maintenance ng makina kundi maging sa mga hindi magandang kalidad ng langis.