MANILA, Philippines - Dismayado si Kabataan Rep. Sarah Elago sa muling pagbuhay sa taunang Balikatan exercises na gaganapin sa susunod na buwan.
Kabilang sa tinukoy na mga dahilan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng exercises ay para sa paghahanda sa kalamidad at counter terrorism.
Subalit ayon kay Elago, taliwas ito sa naunang mga pahayag ni Pangulong Duterte na nais nitong lumayas na ang mga tropang Amerikano sa Pilipinas.
Naniniwala naman ang mambabatas na gusto lamang ng Estados Unidos na kaladkarin ang Pilipinas sa giyera nito sa Middle East at iba pang bansa.
Bukod dito, duda rin siya sa layunin ng exercises kahit pa sinasabing walang bakbakan at tututok lamang sa humanitarian civil assistance.
Ipinaalala rin ni Elago na kung paanong nakialam ang Amerika sa mga operasyon ng militar sa Mindanao tulad sa Oplan Exodus kung saan namatay ang SAF 44.
Dahil dito kaya muling nanawagan ang grupo na ibasura na ang EDCA, VFA at iba pang mutual treaties.