MANILA, Philippines - Isang araw bago magbakasyon ang Kongreso ay sinibak na sa posisyon sa Kamara ang mga chairman ng committee na bumoto kontra sa death penalty bill.
Ito’y matapos mag-mosyon si House Majority Leader Rodolfo Fariñas na ideklarang “vacant” ang chairmanship ng Basic Education ni Rep. Ramon “Red” Durano, Muslim Affairs sa pamumuno ni Rep. Sitti Dalia Turabin-Hataman, Natural Resources ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, Overseas Workers Affairs ni Buhay Rep. Michael Velarde, Peoples Participation ni Dinagat Island Rep. Arlene Kaka-Bag-ao, Poverty Alleviation ni Rep. Emmi de Jesus, Public Information, Government Re-organization ni Rep. Henedina Abad, Womens and Gender Equality ni Rep. Emmeline Aglipay, Land Use ni Rep. Kit Belmonte, Civil Service and Professional Regulation chairman ni Rep. Vilma Santos-Recto at Deputy Speaker for Central Luzon na si Rep. Gloria Arroyo.
Tanging si Durano lamang ang mayroon ng kapalit at ito ay si Sorsogon Rep. Evelina Escudero. Sa muling pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo saka papalitan ang mga lider ng inalisan ng posisyon.
Nauna nang nagbanta si House Speaker Pantaleon Alvarez na ipadedeklarang bakante ang lahat ng posisyon ng mga House leaders na bumoto ng No sa House bill 4727 kaya lahat sila ay mawawalan ng pwesto.
Idinagdag pa ni Alvarez, na nakapagsumite na ng listahan ng nominee ang bawat partido na ipapalit sa mga aalisin sa posisyon.
Samantala, tinanggap naman ng maluwag ni Arroyo ang desisyon ng liderato at nagpasalamat din siya kay Alvarez dahil pinagkatiwalaan siya sa kanyang puwesto.
Tiniyak naman niya na magbibigay pa rin siya ng suporta kay Pangulong Duterte, subalit iba umano ang death penalty bill dahil nakasasalay ang pagboto nito sa kanyang konsensiya at personal convictions.