MANILA, Philippines - Muli na namang nakopo ng Pilipino Star Ngayon (PSN) ang titulong Best Tabloid at Best Broadsheet Newspaper naman para sa Philippine Star bilang bahagi ng pagpaparangal na idadaos ngayon ng Guild of Educators, Mentors, and Students (GEMS) sa pagkilala sa mga mahuhusay na alagad ng sining sa larangan ng panulat, tanghalan, radyo, telebisyon, at pelikula.
Paparangalan din ng GEMS si Ms. Salve V. Asis ng PSN bilang Best Entertainment Editor.
Magsisimula ang pagpaparangal sa ganap na alas-5 ng hapon sa Laguna Bel-Air Science School sa Sta. Rosa City, Laguna. Ito ay bahagi na rin ng pagdiriwang ng ika-20 taong pagkakatatag ng nasabing paaralan.
Ang GEMS ay isang bagong-tatag ng samahan na binubuo ng mga akademisyan mula sa iba’t-ibang paaralan, mga propesyunal na nagmula pa sa mga pribadong institusyon at sektor ng lipunan, at mga mag-aaral sa ilang prestihiyosong kolehiyo at pamantasan.
Naniniwala ang samahan ng GEMS na pinamumunuan ni Norman Mauro A. Llaguno na kapuri-puri ang mga pinamamalas na kahusayan at naging dedikasyon ng bawat indibidwal o sektor sa kanilang napiling propesyon o larangan, kaya nararapat lamang na bigyan ng labis na halaga ang naging ambag ng mga ito sa pagpapaangat ng antas ng napiling propesyon.
May higit tatlong dekada nang naglilingkod ang Pilipino Star Ngayon at Philippine Star sa bawat Pilipino sa larangan ng pagpapahayag ng totoo at patas na mga balita at pananaw.
At patuloy nitong panghahawakan at paninindigan ang mga katagang
“ Truth shall prevail” para sa Philippine Star at “Diyaryong disente ng masang intelihente” para naman sa Pilipino Star Ngayon.
Sa pinahuling talaan, nakopo na rin ng PSN ang Best Tabloid of the Year sa ikalawang pagkakataon na iginawad ng ALTA Media Icon Awards ng University of Perpetual Help System DALTA sa Las Piñas City noong nakalipas na 2016 at noong Enero 2017.
Maging ang Kagawad Tanglaw ay nagbigay ng parangal sa PSN bilang Best Tabloid sa tatlong sunud na taon kung saan ang pinakahuli ay noong Abril 18, 2016.