MANILA, Philippines - Walang dapat ipag-alala sa seguridad at kaligtasan si Sen. Leila de Lima matapos itong sumuko sa mga awtoridad na naghatid ng warrant of arrest sa kanya sa Senado kahapon ng umaga.
“I think she should put herself at rest so as the other senators. These things are following due process and we do respect the rights of everyone,” ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Sinabi ni Usec. Abella, mismong si PNP chief Ronald dela Rosa ang naniguro sa kaligtasan ni Sen. de Lima sakaling ilagay ito sa PNP custodial center sa Camp Crame.
Nabatid na iniutos ni dela Rosa sa mga nagbabantay sa PNP Custodial Center na tiyakin ang kaligtasan ni de Lima.
Idinagdag pa ng presidential spokesman, posibleng pansamantala lamang na ikulong si de Lima sa Custodial Center sa gitna na rin ng panawagan na huwag bigyan ng special treatment ang mambabatas.
Inihayag naman ni PNP Headquarters Support Service Director P/Chief Supt. Philip Philips sa kabuuang 26 nakapiit sa PNP Custodial Center ay nag-iisang babae si de Lima.
Bagaman simple lang ang kulungan ni de Lima ay malinis ito, ligtas at disente kung saan ay tanging electric fan lang, timba at tabo ang maari nitong magamit sa kaniyang selda.