MANILA, Philippines - Boluntaryong sumuko sa tropa ng pamahalaan ang isang lider ng isang squad ng mga rebeldeng New People’s Army sa Monkayo, Compostela Valley kamakalawa.
Sa ulat, kinilala ni Captain Edson Abello, Spokesman ng Army’s 1001st Infantry Brigade ang sumukong suspek na si alyas Ka Mar, 22 anyos, Squad Leader ng NPA Pulang Bagani Company 8.
Sinabi ni Abello na nagdesisyong sumuko si alyas Ka Mar matapos na mapagtanto na mali ang ideolohiyang kanilang ipinaglalaban.
Gayundin dahilan sa serye ng mga bayolenteng aktibidades na kinasasangkutan ng kaniyang mga kasamahan sa NPA Command na sangkot sa paghahasik ng terorismo at pangongotong.
“I have proven false the indoctrination of the NPA leaders on us, the soldiers took good care of me,” ayon kay Abello na siyang sinabi ni Ka Mar.
Nabatid pa na marami pa sa hanay ng mga rebelde na kasamahan ni Ka Mar ang nagplaplano ng magbalikloob sa batas.
Kasalukuyan na ngayong sumasailalim sa masusing tactical interrogation ang sumukong lider ng NPA Squad.