MANILA, Philippines - Nanawagan ang grupo ng mga truckers sa administrasyong Duterte na baguhin ang plano ng Bureau of Customs na pagpapatupad ng accreditation sa mga bumabiyaheng truck sa bansa.
Ayon kay Abraham Rebao, Vice President ng Truckers Bureau ng Aduanas Business Club Inc. walang dahilan na muling dumaan sa accreditation ang kanilang industriya dahil over accredited na aniya sila.
Pangamba pa ni Rebao, maliban sa panibagong bayarin ng nasabing plano ay malaki din ang posibilidad na magamit ito para mabura sa industriya ang maliliit na negosyante at ma-monopolya ang trucking industry ng mga mayayamang negosyante.
Hindi katanggap-tanggap umano ang dahilan ng BOC na ang implementasyon ng accreditation ay para sa anti smuggling campaign.
Aniya walang kinalaman ang truckers sa smuggling dahil naghahatid lamang sila ng mga cargo at wala silang kinalaman sa mga kumpanya na umaangkat ng mga ito.