MANILA, Philippines – Naniniwala si Senator Leila de Lima na maaaring gawing “scapegoat” ng administrasyon si Philippine National Police Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa dahil na rin sa mismong panawagan ni House Speaker Pantaleon Alvarez na magbitiw na ito sa puwesto dahil sa iskandalong idinulot ng mga tiwaling miyembro ng pulisya.
Ayon pa kay de Lima, hindi solong responsibilidad ni dela Rosa ang nangyayari sa PNP dahil kasama rito si Pangulong Rodrigo Duterte na ginawa umanong “Tokhang death squad” ang kapulisan.
Naniniwala rin si de Lima na sumusunod lamang sa utos ng Pangulo si dela Rosa na hayaan ang pulisya kahit pa umabuso ang mga ito sa gitna ng kampanya laban sa ilegal na droga kahit pa sa sunod-sunod na nangyayaring extrajudicial killings (EJKs).
Naniniwala si de Lima na dapat tingnan ang totoong ugat ng problema at hindi ito dapat isisi kay dela Rosa.
Idinagdag ni de Lima na dapat kondenahin ang patakaran ng gobyerno sa giyera laban sa droga kung saan naging daan lamang ito para sa mas maraming human rights violators at mga kriminal sa hanay ng pulisya.
Idinagdag rin ni de Lima na ang mga kidnappings na nangyayari kung saan ginagawang sangkalan ang giyera laban sa droga ay hindi pa magtatapos hangga’t walang ginagawa at tinatanggap na lamang ang mga pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.