MANILA, Philippines - Nakahanda umanong makipag-dialogue ang Malacañang sa mga Obispo kaugnay sa hidwaan hinggil sa anti-drug campaign ni Pangulong Duterte.
Magugunitang muling inupakan ni Pangulong Duterte kamakalawa ang mga Obispo at mga Pari kasunod ng kanilang pagbatikos sa umano’y extra-judicial killings bunsod ng anti-drug war ng Duterte administration.
Sa kanyang talumpati, nagpakawala ng maaanghang na pananalita si Pangulong Duterte at tinawag nitong iprokrito, walang moral ascendancy at puno ng eskandalo ang Simbahang Katoliko.
Inirekomenda pa ni Duterte na basahin ang Altar of Secrets na isinulat ng yumaong veteran at award-winning journalist na si Aries Rufo.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, imbes na idaan sa batikusan, inaanyahan niya ang mga Obispo na pag-usapan sa isang dialogue ang hindi pagkakaintindihan.
Naniniwala si Abella na bukas ang Pangulong Duterte na harapin ang mga Obispo dahil wala daw matigas na tinapay sa mainit na kape.
Inihayag din ni Abella na kaya nagawa ng Pangulo ang pagmumura sa mga Obispo at mga Pari ay dahil mistulang pinalalabas daw na sila lang ang malilinis habang ang mga taga-administrasyon ay masasama.