MANILA, Philippines - Magpapadala na lamang ng kanyang kinatawan si Pangulong Rodrigo Duterte para sa inagurasyon ni US President Donald Trump sa darating na Enero 20.
Ang magiging kinatawan ni Pangulong Duterte sa Trump inaugural ay sina Presidential Communications Sec. Martin Andanar at National Security Adviser Hermogenes Esperon.
“Ang mga Amerikano po talaga ang nandiyan para i-celebrate iyong inauguration because this is totally a domestic event,” wika pa ni Andanar.
Ang oath-taking ni Trump ay gagawin sa Enero 20 bilang ika-45 pangulo ng Estados Unidos.
Magugunita na nag-usap sa telepono sina Pangulong Duterte at Trump noong unang linggo ng Disyembre 2016 kung saan ay binati ni Duterte si Trump sa kanyang panalo. Inimbitahan pa ni Trump si Duterte na bumisita ito sa White House habang kinumbida naman ni Duterte si Trump na dumalo sa ASEAN 2017.