MANILA, Philippines - Anim katao ang nasawi sa pananalasa ni bagyong Nina sa araw ng Pasko hanggang kahapon sa Bicol Region at Southern Tagalog.
Ang iniulat na nasawi ay nakilalang sina Christopher Sanchez, nasa hustong gulang ay dead-on-arrival sa Holy Rosary Hospital sa Lopez, Quezon.
Sa Albay, isang tanod naman na tumulong sa evacuation ng kanilang mga kabarangay ang nasawi matapos atakihin ito sa puso dahil sa sobrang pagod ni Tobias Azul, 65 years old ng Bonga, Legaspi City; Estelita Bigcas, 57 anyos na nadaganan ng nabuwal na pader at ang dalawang matandang nalunod na sina Antonio Calingacio, 73 anyos at Teresita Calingacion, 70 taong gulang na pawang mula sa Libmanan, Camarines Sur.
Samantala, isang magsasaka mula naman sa Mulanay, Quezon ang nasawi rin at nakilalang si Gregorio Reforma, 43 taong gulang matapos itong madaganan ng nabuwal na punong kahoy sa Brgy. Sta. Rosa ng bayang ito dakong alas-2 ng hapon habang inililikas ang kaniyang pamilya.
8 walong landfall
Naka-walong langfall ang bagyong Nina na sumalanta sa libu-libong residente mula sa Bikol, Southern Tagalog mula Kapaskuhan hanggang kahapon.
Unang nag-landfall ang bagyo sa Bato, Camarines Sur noong 6:30 ng gabi ng Dec. 25 sinundan ang 2nd landfall sa Sagnay, Camarines Sur ((:30 ng gabi ng Pasko), 3rd landfall naman sa San Andres, Quezon; 4th landfall sa Torijos, Marinduque bandang alas-4:30 ng madaling araw kahapon; 5th landfall sa Verde island sa Batangas City; 6th landfall sa Tingloy, Batangas; 7th landfall sa Calatagan, Batangas at ang ika-8 sa Lubang island, Occidental Mindoro.
383k inilikas
Iniulat naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mina Marasigan na nasa 77,560 pamilya o kabuuang 383,097 katao ang inilikas sa CALABARZON, MIMAROPA, V at VIII dahilan sa bagyong Nina .
Maging ang pasilidad at himpilan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nagtamo ng pinsala sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Nina sa Bicol Region.
Telecommunications, kuryente apektado
Sa sketchy report, sinabi ni Marasigan na hirap silang kumuha ng impormasyon dahilan sa nawasak ng bagyo ang linya ng komunikasyon at kuryente sa mga nabuwal na poste sa Bicol Region partikular na sa Catanduanes.
Sinabi ni Marasigan na nakakaranas ng pagkawala ng supply ng kuryente ang 83 lugar sa MIMAROPA simula pa nitong Pasko habang pitong powerlines naman ang apektado sa CALABARZON.
Ayon kay Marasigan base sa report ng Philippine Coast Guard ay nasa 13,532 pasahero ang stranded; 1,07 rolling cargo, 43 vessels at anim na bangkang de motor ang stranded sa iba’t-ibang pantalan sa Southern Tagalog, Bicol, Central, Eastern at Western Visayas.
Samantalang patuloy namang pinapayuhan ang mga mangingisda at mga sasakyang pandagat na iwasan muna ang maglayag sa karagatan upang maiwasan ang panganib. Kaugnay nito, namahagi na ng relief goods ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyo.
2 barko lumubog, 1 oil tanker sumadsad
Iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong insidente ng paglubog at pagsadsad ng mga sasakyang pandagat sa panahon ng pananalasa ng bagyong Nina.
Ayon PCG spokesman Commander Armand Balilo, aalamin nila kung may kargang krudo ang mga ito na maaaring tumagas dahil sa pangyayari partikular na ang oil tanker na MT Obama na sumadsad sa Gasan, Marinduque.
Maliban dito, nangangalap na rin ng dagdag na impormasyon ang PCG hinggil sa lumubog na barko sa Virac, Catanduanes at MV RoRo Shuttle 5 naman sa San Miguel, Mabini, Batangas.